Policy shift ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Community lockdown, irerekomenda ng IATF kay PRRD
Magkakaroon ng policy shift ang pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga community lockdown habang binabaka pa rin ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque tinalakay na sa meeting ng Inter Agency Task Force ang rekomendasyon ng sub-technical working group ng data analytics ng Department of Health kasama ang Department of Interior and Local Government, National Economic Development Authority, Department of Trade and Industry, Department of Social Welfare and Development, at Department of Labor and Employment na sa halip na malawakang pagpapatupad ng lockdowns gagawin na lamang itong granular lockdown na ang ibig sabihin ay kung saang kalye, gusali, komunidad, compound o barangay ang may kaso ng COVID 19.
Ayon sa obserbasyon ng sub-technical working group, nakitang mas epektibo ang granular lockdown kaysa kada region na nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga residente.
Sa granular lockdown talagang hindi papayagang makalabas at magkaroon ng mobility ang isang kalye o lugar na may kumpol na kaso ng COVID 19 maging ang mga Authorized Person Outside Residence na masasakop ng lockdown ay hindi na rin papayagang makalabas.
Inihayag ni Roque lahat ng rekomendasyon ng IATF sa mga pagbabago ng patakaran sa pagpapatupad ng quarantine classification ay kailangang pagtibayin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Niliwanag ni Roque na hintayin na lamang ang magiging patakaran at quarantine classification na ipatutupad ng pamahalaan sa pagpasok ng buwan ng September.
Vic Somintac