Pork barrel scam queen Janet Lim Napoles, mananatili sa Camp Bagong Diwa
Ibinasura ng Korte Suprema ang apela ni Janet Lim Napoles na payagan siyang makapagpiyansa sa kasong Plunder kaugnay ng paglustay sa Pork Barrel fund ni Dating Senador Juan Ponce Enrile.
Sa anim na pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Andres Reyes Jr. at pinaboran ng 10 mahistrado noong February 6, 2018, pinagtibay ng Supreme Court ang desisyon nito noong November 7, 2017 na sang-ayon sa resolusyon ng Sandiganbayan noong October 2015 at March 2016.
Ibig sabihin ay mananatili sa kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig si Napoles.
Ayon sa SC, nabigo si Napoles na magprisinta ng mga bagong argumento para mabaligtad ang desisyon ng Korte Suprema.
Hindi rin daw tama na gawing batayan ni Napoles ang naunang resolusyon ng Korte Suprema kaugnay sa kasong plunder laban sa dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Arroyo na inihain ng Office of the Ombudsman.
Sinabi ng Korte Suprema na hindi naman isinama ni Napoles sa kanyang Petition for Bail ang pagkuwestiyon kung may “proof beyond reasonable doubt” na siya ang pangunahing nagkamal ng pera ng gobyerno kaugnay sa PDAF anomaly.
Mainam daw na ipaubaya sa desisyon ng Sandiganbayan ang mga argumento ni Napoles at ang patuloy niyang pagkakakulong ay sapat nang ibatay sa malakas na “evidence of guilt.”
Ulat ni Moira Encina