Pork holiday, ipinatitigil na; Kapakanan ng consumers, dapat isaalang-alang ng mga nagtitinda ng baboy
Umapela si Senator Christopher Bong Go sa mga trader at mga nagtitinda ng baboy na itigil na ang pork holiday.
Ang pork holiday ay bilang protesta ng mga trader sa pagdedeklara ng price ceiling ng Malacañang dahil sa mataas na presyo ng baboy.
Pero ayon kay Senator Go, hindi nakatutulong ang pork holiday lalo na sa mga consumer at malilit na negosyo na umaasa sa mga nagtitinda ng baboy.
Iginiit ng senador na pinag-aralang mabuti ng Pangulo ang price ceiling at ikinunsidera ang kapakanan ng lahat ng sektor.
Dapat aniyang maintindihan ng mga trader at negosyante na ginawa ito ng pangulo dahil maraming nawalan ng kabuhayan dahil sa epekto ng pandemya na karamihan sa kanila ay may pinapakain na pamilya.
Bukod dito, malinaw aniya sa Section 7 ng Republic Act No. 7581 o Price Act na may kapangyarihan ang pangulo na magdeklara ng price ceiling kung masyado nang mataas ang presyo na makakaapekto na sa mahihirap na mamamayan.
Sa halip na magprotesta, hinimok ng Senador ang mga trader at retailers ng baboy na makipagtulungan sa gobyerno para unti-unti ring makabangon ang ekonomiya.
Meanne Corvera