Pormal ng sinampahan ng disqualification case ng Task Force Anti Epal ng Commission on Elections ang 35 kandidato para sa BSKE
Ang mga kandidato na unang kinasuhan ay mula sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon.
Ayon kay Comelec Director Nick Mendros, head Task Force Anti-Epal, simula palang ito at sa susunod na linggo ay masusundan pa.
“Marami-rami pa po kaming i-evaluate ng complaints at mga answer. And we hope to file more cases some petitions this week.” pahayag ni Comelec Director Nick Mendros, Head Task Force Epal
Ang mga sinampahan ng disqualification cases nakitaan ng paglabag sa section 80 ng Omnibus Election Code kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya bago ang itinakdang Campaign period.
Para sa October 30 BSKE, sa October 19 hanggang 28 pa pwedeng mangampanya.
“Social media tayo there are posters. They are blatant campaining talaga. Pinakikita nila na isa silang grupo they are running for these may mga nakalagay na.” dugtong pa ni Mendros
Ayon naman kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco gusto nilang ipakita sa mga kandidato na seryoso sila sa paghabol sa mga magpapasaway na kandidato.
“Hindi nagbibiro ang Comelec sa pagpapatupad ng election laws. Kung makikita niyo po hindi naging lip service ang paalala namin na talaga pong kakasuhan naming sila.” wika naman ni Comelec Spokesperson Atty. Rex Laudiangco
“This is just the start. Makakaasa po kayo na next week, kami po nila Director Mendros, marami pa po kaming masasampahan ng kaso.” dugtong pa ni Atty. Laudiangco
Target ng Comelec na madesisyunan ang disqualification cases bago ang halalan.
Pero hindi lang umano dito nagtatapos ang lahat dahil pwede pa silang masampahan ng election offense cases na may parusa namang pagkabilanggo kung mapapatunayang guilty.
Ayon sa Comelec, nasa 3,198 kandidato na ang nabibigyan ng Show Cause Order…pero 529 palang rito ang sumagot.
Nasa 199 kandidato ang target masampahan ng DQ cases ng Comelec pero pwede daw itong madagdagan pa.
May 207 reklamo naman ang ibinasura dahil sa kawalan ng basehan.
Madelyn Moratillo