Posibleng paglalagay kay Customs broker Mark Taguba sa WPP, pinag-aaralan pa ng DOJ
Hinihintay pa ng DOJ ang pormal na aplikasyon para ilagay sa Witness Protection Program ang pribadong Customs broker na si Mark Taguba na sangkot sa pagkakapuslit ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu shipment mula sa China.
Sinabi ni justice Secretary Vitaliano Aguirre II na kung lalabas na hindi si Taguba ang most guilty sa krimen ay posible siyang gawing state witness.
Si Taguba ang nagproseso at naghanap ng importer o consignee para mailabas mula sa Bureau of Customs ang shabu shipment.
Ayon sa kalihim, kung mag-apply si Taguba sa WPP, kailangang magsumite siya ng salaysay para mapasailalim sa provisional coverage ng programa.
Pero pag-aralan pa aniya ng mabuti ng DOJ ang salaysay ni Taguba para mabatid kung nararapat siyang maisalalim sa WPP.
Isa si Taguba sa siyam na mga indibidwal na sinampahan ng reklamo ng NBI sa DOJ kaugnay sa shabu shipment.
Ulat ni: Moira Encina