Posthumous autobigraphy ni Lisa Marie Presley ipalalabas sa Oktubre
Ipalalabas na sa Oktubre ang isang posthumous autobiography ni Lisa Marie Presley, ang nag-iisang anak ng US rock ‘n’ roll legend na si Elvis Presley. Ito ang inanunsyo ng kaniyang anak na babae at ng publishers.
Sa kaniyang announcement sa Instagram ay sinabi ni Riely Keough, “I’m honored to help put my mother’s book out for her.”
Ang aktres na si Keough, ay kilala sa kaniyang pagganap sa “Mad Max: Fury Road” at sa seryeng “Daisy Jones and the Six.”
Ayon sa isang website kung saan nakasaad na ang libro ay ipalalabas sa October 15, 2024, “Born to an American myth and raised in the wilds of Graceland, Lisa Marie Presley was never truly understood … until now.”
Sa paglalarawan ng website, ang libro ay “raw, riveting, one-of-a-kind.”
Nakasaad pa sa website, na ilang taon nang nagre-record si Presley ng tapes para rito, at si Keough naman ang sumulat.
Nag-iisang anak nina Elvis at Priscilla Presley, tinahak ni Lisa Marie Presley ang isang career sa musika, ngunit hindi niya naabot ang tagumpay ng kaniyang ama.
Sa halip ay naging magulo ang kaniyang buhay, na kinasasangkutan ng problema sa droga at ng apat na ulit niyang pagpapakasal kina Danny Keough, aktor na si Nicolas Cage, pop legend na si Michael Jackson at sa actor/composer na si Michael Lockwood.
Ang kaniyang pagkamatay sa edad na 54 noong January 12, 2023 na sanhi ng kumplikasyon mula sa weight-loss surgery, ayon sa awtopsiya, ay nagresulta sa napakaraming tribute mula sa American entertainment world.