Power Company kinasuhan ng Hawaii County dahil sa wildfires
Kinasuhan ng Maui County ang electricity company ng Hawaii dahil sa wildfires na tumupok sa Lahaina, sa pagsasabing maaaring naiwasan ang sakuna kung pinatay ang power lines.
Ang demanda ang pinakabagong hakbang kaugnay ng tumitinding kritisismo na nakatuon sa power provider pagkatapos ng sunog, na ikinasawi ng hindi bababa sa 115 katao, na may mga video na malinaw na nagpapakita ng mga nalaglag na kable na nagpasiklab sa mga halaman sa mga oras bago ang trahedya.
Sinasabi sa demanda na maraming babala ng malakas na hangin mula sa hurricane na malapit lamang sa lugar, subalit hindi pinatay ng Hawaiian Electric at ng kaniyang subsidiaries ang power lines.
Nakasaad sa demanda, “These power lines foreseeably ignited the fast-moving, deadly, and destructive Lahaina Fire, which completely destroyed residences, businesses, churches, schools, and historic cultural sites. Defendants knew that the high winds the (National Weather Service) predicted would topple power poles, knock down power lines, and ignite vegetation. Defendants also knew that if their overhead electrical equipment ignited a fire, it would spread at a critically rapid rate.”
Ang Maui county, na “under pressure” rin mismo kaugnay ng sinasabi ng mga kritiko na kawalan ng paghahanda bago ang sunog at kakulangan din ng pagtugon pagkatapos ng trahedya, ay humihingi ng hindi tinukoy na “damages and compensation” para sa naging pinsala ng sunog.
Ayon sa pahayag, “Maui County stands alongside the people and communities of Lahaina and Kula to recover public resource damages and rebuild after these devastating utility-caused fires.”
Ang mga kumpanya ng kuryente sa California ay regular na nagsa-shut down ng malalaking linya ng above-ground power lines kapag may malakas na hangin, isang estratehiya na kinikilalang nakatulong upang maiwasan ang ilang sunog.
Noong Agosto 14, ipinagtanggol ng boss ng Hawaiian Electric na si Shelee Kimura ang desisyon na panatilihing bukas ang mga linya, sa pagsasabing kailangan ang kuryente upang mapanatili ang pagbomba ng tubig sa Lahaina.
Ang sunog na nangyari noong August 8 ang pinakamatinding wildfire na naranasan ng Estados Unidos sa loob ng mahigit isang siglo.
Tinupok nito ang humigit-kumulang 2,000 acres (800 hectares) at sinira ang makasaysayang bayan ng Lahaina, na dating kinaroroonan ng Hawaiian royal seat at isang umuunlad na sentro ng turismo.
Ang demanda, na kinabibilangan din ng isang kahilingan para sa isang jury trial, ay inihain isang linggo pagkatapos magbitiw ng pinuno ng emergency management agency ng Maui, sa gitna ng mga batikos nang hindi pagpapatunog sa network ng warning sirens ng isla.