PPHA, nagbabala na hindi ligtas ang pagbili ng mga gamot online
Nagbabala sa publiko ang Philippine Pharmacist Association (PPHA) sa pagbili ng mga antibiotics, steroids at mga slimming pills online.
Sa panayam ng Agila Balita, sinabi ni PPHA President Dr. Yolly Robles, hindi safe o ligtas ang pagbili ng mga gamot sa pamamagitan lamang ng internet.
May mga batas aniya ang bansa na dapat sundin upang mapangalagaan ang quality at safety ng mga gamot upang hindi mapahamak ang mga mamamayan.
Hindi rin aniya tiyak kung saan nagmumula ang mga gamot na posibleng nagmula sa isang huwad o pekeng kumpanya o indibidwal.
Giit ni Robles, walang batas sa Pilipinas na nagpapahintulot na magbenta ng mga gamot online kahit pa sa mga malalaki at kilalang online shopping sites.
“Kahit sabihin mong mura yang nabibili na yan, hindi naman tayo sure kung nadedeliver yung tunay na epekto. Sa kaso ng antibiotics, pwedeng magresulta yan sa mga microbial diseases”.