Pagdinig ng Comelec sa Petition for Cancellation laban sa kandidatura ni BBM, sinabayan ng kilos protesta
Sinabayan ng kilos protesta ng ilang militanteng grupo ang isinasagawang pre-conference ng Commission on Elections-2nd Division sa Petition for Cancellation laban sa kandidatura ni Presidential aspirant Bongbong Marcos.
Ilan sa mga grupo na nagsagawa ng protesta sa harap ng tanggapan ng Comelec ay mga grupong Karapatan, Bayan muna , Anakpawis, Kilusang Mayo Uno at iba pang grupo.
Panawagan nila sa Comelec, i-diskwalipika si Marcos.
Ginagamit nilang basehan ang naging conviction noon kay Marcos ng Quezon City RTC dahil sa hindi paghahain ng Income Tax Return noong Bise-Gobernador pa ito ng Ilocos Norte.
Sa gitna naman ng protesta ng mga tutol kay Marcos, dumating ang isang nagpakilalang Marcos loyalist na may dala pang larawan nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Marcos.
Apila naman ni Jerome Adonis, Secretary General ng KMU, sa Comelec magdesisyon pabor sa interes ng taong bayan at huwag hayaang makabalik sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno ang mga Marcos.
Virtual ang ginagawang pre-conference ng Comelec sa pagdinig sa petisyon laban kay Marcos.
Pagkatapos nito, bibigyan ng 3 araw ang magkabilang panig para magsumite ng memorandum bago itong ideklarang submitted for resolution.
Madz Moratillo