Preliminary investigation ng DOJ sa ₱6.4B na smuggled shabu galing China umusad na
Sinimulan na ng DOJ ang preliminary investigation sa reklamong importation of dangerous drugs na isinampa laban sa siyam na indibidwal na isinasangkot sa pagkakapuslit sa bansa ng 6.4 billion pesos na shabu galing sa China.
Present sa pagdinig si Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong na sinasabing middleman sa shabu shipment at nagsumite na rin ng kanyang kontra-salaysay.
Humarap din sa pagdinig pero bigong makapaghain ng kanyang counter-affidavit si Chen Ju Long alyas Richard Tan o Richard Chen, negosyanteng Chinese na may-ari ng Hong Fei logistics at may-ari rin ng Valenzuela warehouse kung saan nasabat ang shabu shipment.
Dumalo at naghain din ng kanyang kontra salaysay si Eirene May Tatad ng EMT Trading na ginamit para maging consignee ng shabu shipment.
No show naman sa hearing sina private Customs broker Mark Ruben Taguba II na nagsilbing middleman para marelease ang shabu shipment mula sa Bureau of Customs; at Teejay Marcellana, isa ring broker na nagrehistro ng shabu shipment.
Sa halip ang abogado lang nilang si Raymund Fortun ang dumalo at hiniling na i-extend ang pagsusumite ng kanilang sagot sa alegasyon laban sa kanila.
Nagwaive naman ng kanilang karapatan na magsumite ng kanilang depensa sina Chen Min at Jhu Ming Jyun na mga Taiwanese na umupa ng warehouse sa Valenzuela at si Li Guang Feng alyas Manny Li na tumulong sa pangangasiwa ng mga dokumento ng shipment.
Nakatanggap sila ng abiso sa pagdinig pero bigo pa ring magpakita.
Humabol sa pagdinig si Fidel Anoche Dee, caretaker ng warehouse sa Valenzuela pero wala itong abogado.
Itinakda naman ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes ang susunod na pagdinig at paghahain ng counter affidavit ng iba pang respondents kabilang si Taguba sa September 25 sa ganap na alas otso y medya ng umaga.
Ulat ni: Moira Encina