Preliminary investigation ng DOJ sa pagpatay kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga, sinimulan na

0
Preliminary investigation ng DOJ sa pagpatay kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga, sinimulan na

Gumulong na ang pagdinig ng Department of Justice (DOJ) sa reklamong murder at frustrated murder kaugnay sa pagpatay kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Humarap sa pagdinig ng DOJ ang mga abogado ng mga pangunahing respondent sa reklamo.

Ayon kay Atty. Emerito Quilang, abogado ni dating PCSO General Manager Royina Garma na sinasabing utak sa Barayuga murder, kahit wala sa bansa ang kaniyang kliyente ay maghahain sila ng kontra-salaysay dahil may mga proseso sa batas para magawa nila ito.


Dating PCSO General Manager Royina Garma / Courtesy: HREP

Aniya, “We will be filling our counter affidavit and affidavit of our witnesses to support her defense and to prove her innocence we will do that.”

Hindi naman tiyak ng abogado kung nasa Amerika pa si Garma o nasa ibang lugar na, at kung may hirit itong political asylum sa U.S.

Dumalo rin sa hearing ang abogado ni dating National Police Commission (Napolcom) commissioner Edilberto Leonardo.

Sinabi ni Atty. Andres Manuel, Jr., na nasa bansa si Leonardo at hindi ito nagtatago at haharapin nito ang reklamo.

Aniya, “Yun pong ating presensiya ngayon ay isang patunay yung kaniyang willingness na magparticipate sa hearing na ito. Yung kaso po na ito. Kung kinakailangan po at siyang dapat, palagay ko po haharap at pupunta si Colonel Leobardo rito para ipasa ang kaniyang counter affidavit.”

Si Leonardo ay isa rin sa mga posibleng suspek na tinukoy ng International Criminal Court kaugnay sa imbestigasyon nito sa war on drugs at maaari ring ipahuli.

Ayon kay Manuel, hindi pa nila napag-uusapan ng kaniyang kliyente ang isyu ukol sa ICC, “Kung saka-sakali naman po at meron na ganun, siguro ganun din po ang gagawin ni Colonel Leonardo na haharapin at sasagutin ‘yung ano mang kaso na ifa-file sa kanya sa ICC.”

Inihayag naman ni Atty. Raymund Palad, abogado ni Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza na isa sa mga respondent at posibleng gawing state witness, maaaring mai-ugnay ang kaso nina Garma at Leonardo sa war on drugs hearing ng ICC dahil sinasabing pinatay si Barayuga dahil sa pagsangkot dito sa iligal na droga.

Sinabi ni Atty. Palad, “Kapag lumawak investigation, puwedeng dumugtong kay Garma as the person contacted by Duterte to implement the tokhang nationwide. And bababa ito kay Leonardo na sinasabing nag-implement naman ng tokhang sa buong Pilipinas so magkakadugtong yan.”

Moira Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *