Preliminary investigation sa nahuling traffickers mula sa scam hub sa Clark, itinakda ng DOJ sa Mayo 15
Binigyan ng DOJ ng hanggang Mayo 15 ang sinasabing human traffickers na nahuli na nag-ooperate sa isang scam hub sa Clark, Pampanga.
Una nang isinalang sa inquest proceedings sa DOJ noong Sabado, Mayo 6 ang mga dayuhang suspek kung saan ipinagharap sila ng mga reklamo.
Mga reklamong human trafficking, kidnapping o serious illegal detention at mga paglabag sa Cybercrime law at immigration law.
Ayon sa DOJ, nag-waive ng kanilang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code
ang mahigit sa 10 suspek kaya mananatili sila sa kustodiya ng mga otoridad habang isinasailalim sa full blown hearing ang mga reklamo laban sa mga ito.
Ang mga abogado mula sa Public Attorneys’ Office ang kumatawan sa mga ito kasama ang duly certified interpreters mula sa Chinese at Indonesian Embassy.
Aabot sa mahigit 1,000 biktima ang nasagip ng mga otoridad sa operasyon sa cyber scam hub kung saan 129 ay mga Pinoy at ang nalalabi ay mula sa China, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Nepal, Taiwan, Thailand, at Vietnam.
Sinabi naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na makikipagpulong siya sa PAGCOR ukol sa mga lisensya nila na kanilang iniisyu sa mga POGO.
Kakausapin din ng kalihim ang Bureau of Immigration ukol sa isyu.
Moira Encina