Premiere ng ‘Haunted Mansion,’ hindi dinaluhan ng mga artista
Hindi dinaluhan ng mga artista ang unang major world premiere at ayon sa direktor nito, sinusuportahan niya ang walkout ngunit labis niyang na-miss ang kaniyang cast.
Ang “Haunted Mansion” premiere sa Disneyland sa California ay na-atras na matapos sumama sa picket lines ang mga aktor, at nahinto ang produksiyon ng pelikula at telebisyon sa pinakaseryosong Hollywood strikes sa loob ng maraming dekada.
Ang mga miyembro ng Screen Actors Guild (SAG-AFTRA) ay sumama sa mga manunulat na ilang linggo nang nagwe-welga, na nagtulak sa unang walkout ng buong industriya sa loob ng 63 taon.
Sinabi ni “Haunted Mansion” director Justin Simien, “I’m a director and a writer and an artist in this industry. And it’s really, really hard. I absolutely support them (the actors). And I’m part of the fight myself.”
Naglatag ang Disney ng isang red carpet sa Haunted Mansion ride sa theme park, ngunit wala ni isa sa mga bida ng pelikula ang dumating gaya nina LaKeith Stanfield, Tiffany Haddish, Danny DeVito at Jamie Lee Curtis, na naging aktibo sa pag-organisa sa welga.
Ayon kay Simien na dumalo sa premiere, “I miss them terribly. I wish I could celebrate with them here.”
Pormal na nagwelga ang mga aktor noong hatinggabi ng Huwebes, matapos mabigong magkaroon ng kasunduan ang pakikipag-usap sa production studios.
Nakatuon ang demand ng unyon sa nababawasan nilang kita sanhi ng streaming era at ang banta ng artificial intelligence.
Ang “double strike” ay nagpatigil sa lahat ng US productions, maliban na lamang sa reality at game shows.