Preparasyon sa pagbubukas ng klase ngayong taon, sinimulan na ng DepEd sa Dapitan
Nagsagawa ng Regional Monitoring of the Division’s Readiness and its Basic Education – Learning Continuity Plan (BE-LCP) for SY2021-2022, ang School Division sa lungsod ng Dapitan.
Hangad nitong makita kung gaano kahanda ang School Division para sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan, lalo na ang iba’t ibang mga pamamaraan ng pag-aaral sa gitna ng pandemya.
Ang programa ay dinaluhan nina Regional Director Ruth L. Fuentes, Assistant Regional Director Dr. Pete Natividad, mga pinuno at kasapi ng iba`t ibang dibisyon sa panrehiyong tanggapan ng departamento ng edukasyon.
Ilan sa mga nagbigay ng pahayag ay ang Division OIC ASDS na si Dr. Oliver Talauc, kung saan sinabi nya na magbibigay ang grupo ng regional director ng ilang feedback at mga input, kung paano magplano para sa patuloy na pag-aaral simula ngayong September 13, ngayong taon.
Nabanggit din nya na bibisitahin nila ang ilan sa mga sekondaryang paaralan ng nasabing lungsod.
Ipinahayag naman ng Schools Division Superintendent na si Felix Romy Triambulo, ang basic education continuity plan para sa SY 2021-2022 at lahat ng pangunahing datos ukol dito.
Ayon kay Regional Fuentes, sa pagbubukas ng klase ay magpapatuloy ang paggamit ng de-kalidad na edukasyon sa kabila ng pandemya.
Gayunpaman, handa namang tumanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor ang departamento ng edukasyon ukol sa Bayanihan Para sa Paaralan.
Anj Tigolo