Preregistration, kailangan para sa ‘Resbakuna sa mga Botika’
Para maiwasan ang pagdagsa ng tao sa mga botika na nakatakdang magbigay ng bakuna sa publiko laban sa Covid-19, sinabi ng Malacañang na kailangan munang magparehistro ng mga gustong magpabakuna bago magtungo sa participating drugstores.
Ang pahayag ay ginawa ni acting presidential spokesperson Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, makaraang ianunsiyo ni testing czar Vince Dizon ang pilot rollout ng Covid-19 vaccination sa mga piling parmasya at klinika mula Enero 20-21.
Ayon kay Nograles . . . “Kailangan pong magrehistro. So that way, mas ma-manage po natin ang flow ng mga pupunta doon sa mga botika at private clinics that are participating in this pilot implementation.”
Tinawag na “Resbakuna sa mga Botika,” sinabi ni Dizon na ang programa ay magsisimula sa pitong participating drugstores.
Aniya, nakipag-usap na sila sa Mercury Drug, Watsons, Rose Pharmacy, Southstar Drug, Generika, at iba pang mga klinika gaya ng Healthway at QualiMed.
Ayon kay Nograles, bawat isa sa pitong participating drugstores ay bibigyan ng paunang 500 doses ng Covid-19 vaccines kada linggo o kabuuang 3,500 doses.
Aniya . . . “If it’s 500 (doses) per week, per Botika times seven, so iyon po iyong allocation natin for that week. So seven times 500 = 3,500 (doses).”
Tinukoy din ni Nograles, na ipatutupad ng participating drugstores and clinics ang vaccination drive sa pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs).
Dagdag pa niya . . . “Iyong LGUs sa kanila po iyong responsibility ng registration and documentation and then iyong pharmacies naman will oversee the administration.”
Samantala, nilinaw ni Nograles na ang “Resbakuna sa mga Botika” ay inisyal na para lamang sa booster shots.
Tiniyak naman niya na ang pilot implementation ng programa ay i-aadjust.
Aniya . . . “We will tweak and perfect it accordingly, depending on learnings natin habang we are piloting the Bakuna sa Botika.”
Ayon sa Department of Health, ang mga indibidwal na fully vaccinated na ay pinapayagan nang magpa-booster shot nang hindi bababa sa tatlong buwan makaraan ang kanilang 2nd dose ng paunang two-dose vaccine o hindi bababa sa dalawang buwan makaraan ang paunang single dose vaccine.
Ang AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac, o Sputnik ay two-dose vaccines habang ang Janssen ang tanging single-dose vaccine na kasalukuyang aprubadong gamitin sa bansa.