Presidente, CEO at Board of Directors ng Philhealth, pinagbibitiw na sa puwesto ni Pangulong Duterte
Pinagbibitiw na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidente at mga Board members ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Kasunod ito ng nangyaring anomalya sa mga pekeng pasyente para sa dialysis treatment na binayaran ng Philhealth.
Kinumpirma ni Senator-elect Bong Go na ang mga opisyal ng Philhealth ay ipinatawag kanina ng Pangulo sa Malacañang at pinagsumite ng courtesy resignation.
Kasama sa mga pinagsumite ng resignation sina Philhealth President at CEO Roy Ferrer kasama na ang limang Board of Directors.
Pinagsumite na rin aniya ng resignation ang lahat ng Regional Vice- President pero dahil mga plantilla position maaring ilipat na lamang sila ng puwesto.
Bukod sa mga opisyal ng Philhealth ipinatawag rin sa Malacañang sina Health secretary Francisco Duque at mga ex-officio members ng Philhealth.
“Ang sinabi po sakin ni Pangulo kagabi dismayado sya bakit nila hinayaang makalusot sa kanilang kamay ang mga ganitong fraudulent claims lalo na ang mga makinabang na private hospitals. Naghahanap na aniya ngayon ang pangulo ng mga posibleng pumalit sa Philhealth kung saan ilan sa kaniyang ikinukunsidera ay retired lady military doctor o retired lady police doctor”.- Senator-elect Bong Go
Sabi ni Go inirekomenda nya na rin sa Pangulo na kasuhan ang mga opisyal ng Philhealth at mga kasabwat na kumpanya o indibidwal.
Kung sa kanya umano mapupunta ang Committee in Health sinabi nito na ang pagpapaimbestiga sa nangyaring anomalya ang kaniyang magiging unang agenda.
Ulat ni Meanne Corvera