Presidential Electoral Tribunal inatasan ang Comelec at OSG na mag-komento sa election protest case ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay VP Leni Robredo
Pinagkukomento ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang Comelec at Office of the Solicitor General sa ilang isyu sa election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice-President Leni Robredo.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, inatasan ng PET ang Comelec na maghain ng komento sa loob ng 20 araw sa mga isyu kaugnay sa third cause of action sa protesta ni Marcos.
Ito ay ang pagpapawalang-bisa sa halalan dahil sa terorismo, intimidation at harrassment ng mga botante, at pre-shading ng balota sa Lanao Del Sur, Basilan, at Maguindanao.
Ipinagutos din ng Tribunal sa poll body na iulat sa kanila kung may mga petisyon na inihain para sa failure of elections sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao at ang mga desisyon kung pinaboran o ibinasura ang mga petisyon.
Bukod dito, nais din ng mga mahistrado na malaman mula sa Comelec kung nagsagawa ng special elections sa mga lugar na nagdeklara ng failure of elections sa mga nabanggit na probinsya, at ang naging resulta ng special elections.
Pinagsusumite rin ng Tribunal ang Comelec at OSG ng komento sa loob ng 20 araw sa usapin kung may kapangyarihan sa ilalim ng Saligang Batas ang PET na magdeklara ng annulment ng halalan nang walang special elections at magdeklara ng failure of elections at mag-utos ng pagsasagawa ng special elections.
Gayundin, sa kung malalabag ng PET ang mandato at kapangyarihan ng Comelec sa ilalim ng Konstitusyon kung magdeklara ito ng failure of elections at mag-atas ng special elections.
Inatasan naman ng Korte Suprema ang mga kampo nina Marcos at Robredo na bigyan nito ng kopya ng kanilang isinumiteng memoranda sa resolusyon ng Tribunal na may petsang October 15, 2019 ang Comelec at OSG.
Sa nasabing PET resolution, sinabi na batay sa isinagawang manu-manong initial recount ng mga boto sa tatlong pilot provinces ng Camarines Sur, Negros Oriental, at Iloilo ay lamang si Robredo ng 15,000 boto kay Marcos.
Sa memorandum ni Robredo, iginiit nito na dapat nang tuluyang ibasura ang protesta ni Marcos dahil sa bigo itong makakuha ng substantial recovery ng mga boto sa tatlong probinsya.
Alinsunod din anya sa Rule 65 ng PET Rules dapat mabasura ang poll protest kapag nabigo ang protestant na mapatunayan ang kanyang kaso.
Hiniling naman ni Marcos sa kanyang memorandum na rebyuhin muli ng PET ang resulta ng initial recount dahil binilang din ang mga boto para kay Robredo sa mga balotang walang shade at ituloy ang kanyang third cause of action o ang annulment ng halalan sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao.
Moira Encina