Presidential Electoral Tribunal, tinanggal ang 50% shading threshold sa pagdetermina ng boto sa Marcos poll protest
Tinanggal ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang 50 % shading threshold sa pagdetermina ng valid votes
sa isinasagawang manual recount sa election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo.
Ito ay kasunod ng inihaing motion for reconsideration ni Robredo laban sa ruling ng PET noong Abril na nagbabasura sa kanilang hirit na ibaba sa 25% ang threshold
Tinutulan naman ng kampo ni Marcos ang apela ni Robredo at iginiit na dapat panatilihin sa 50% ang shading threshold sa recount.
Pero sa 21-pahinang resolusyon ng PET, isinantabi nito ang 50% threshold at inamyendahan ang Rule 62 ng PET Revisor’s Guide.
Sa ilalim ng nasabing amended rule, sinabi na sa pagsuri ng mga shade o marka sa balota at pagbilang ng mga boto ay dapat isantabi ng mga head revisors ang mga teknikalidad.
Ayon pa sa PET, ang layunin ng revision process ay para kumpirmahin o gayahin kung papaano binasa o binilang ng vote counting machines o VCMs ang mga boto.
Kaugnay nito, ipinagutos ng PET sa mga Head Revisors na gamitin ang mga election returns o ERs sa pagberipika ng kabuuang bilang ng mga boto na binasa at binilang ng VCMs.
Nakalagay sa ERs ang bilang ng boto na nakuha ng bawat kandidato, petsa ng halalan, lalawigan, munisipalidad at presinto kung saan ito ginanap kaya sa ganitong paraan ang pagbasa ng VCM ay nakukumpirma.
Ang boto sa mga ERs ay batay sa binasang boto ng PCOS machines gamit ang 20% to 25% threshold percentage.
Samantala, ibinasura rin ng Tribunal ang mosyon ni Marcos na huwag gamitin ang decrypted ballot images sa recount ng mga balota.
Kinontra naman ng PET ang pahayag ng kampo ni Robredo na nagkaroon ng sistematikong pagbaba sa boto nito.
Nilinaw ng PET na wala pang pinal na pagdagdag o pagbawas ng mga boto sa isinasagawang recount o revision proceedings.
Ulat ni Moira Encina
Please follow and like us: