Presidential Spokesman Harry Roque , ipinapa-contempt ni dating Palawan Governor Joel Reyes sa Court of Appeals
Hiniling sa Court of Appeals ni dating Palawan Governor Joel Reyes na patawan ng indirect contempt si Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa pagbatikos nito sa ruling ng appellate court na palayain siya kaugnay sa kaso ng pagpatay sa environmentalist at brodkaster na si Dr. Gerry Ortega noong 2011.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Reyes na ang pagtawag ni roque sa CA ruling bilang “travesty of justice” at “alarming” ay pag-atake sa independence at efficiency ng appellate court.
Ayon pa kay Reyes, posibleng makaimpluwensya rin sa ibang korte at sa kumpiyansa ng publiko sa katapatan at integridad ng CA ang mga patutsada ni Roque.
Inakusahan din anya ng tagapagsalita ng pangulo ang CA ng pagiging arogante dahil sa sinasabing pag-overrule sa nakalipas na desisyon ng Korte Suprema.
Naniniwala si Reyes na isang pagbabanta sa CA ang mga pahayag ni Roque para desisyunan ang motion for reconsideration at iba pang remedyo pabor sa palace spokesman dahil kung hindi ay lalabas na ito ay pagkontra sa opisyal na posisyon ng pamahalaang Duterte.
Ulat ni Moira Encina