Presyo ng asukal, puwedeng bumaba sa P60/k –DA
Posibleng bumaba pa sa P60 hanggang P65 ang kada kilo ng presyo ng asukal sa mga pamilihan.
Ayon kay Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, ito ay kung mailalabas sa merkado ang mga inipit na asukal mula sa iba’t ibang warehouse na nasabat ng mga otoridad sa serye ng mga raid kamakailan.
Sa ilang palengke ay nasa P100 ang per kilo ng asukal.
Sinabi ni Panganiban na marami pang warehouses ng asukal ang hindi naiinspeksiyon partikular sa Visayas at Mindanao kaya sapat ito para mapababa ang halaga nito.
Bukod dito aniya ay makakaimpluwensiya rin sa presyo ng asukal sa mga palengke ang pagpayag ng ilang supermarkets na ibenta sa P70 ang kada kilo ng kanilang mga tinda.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng DA official na walang shortage ng asukal sa merkado.
Aniya ang may shortfall ay ang suplay ng asukal para sa industry use o ang ginagamit ng mga manufacturer gaya ng softdrink companies.
Ito ang rason aniya kaya kailangang mag-import ng bansa ng 150,000 metrikong toneladang asukal na inaasahang iaangkat sa huling linggo ng Oktubre.
Kumbinsido at sang-ayon si Panganiban sa pahayag ng Palasyo na may hoarding ng asukal sa mga ininspeksyong warehouse.
Pero hindi aniya ito maituturing na economic sabotage.
Una nang sinabi ng Malacañang na artificial ang sugar shortage sa bansa bunsod ng hoarding ng mga traders ng asukal para sila kumita ng malaki.
Moira Encina