Presyo ng gasolina posibleng bumaba na sa susunod na linggo
Posibleng bumaba na ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo.
Ayon kay Energy secretary Alfonso Cusi, sa nakalipas na dalawang araw, bumaba sa 104 dollars kada bariles ang presyo ng krudo sa world market .
Ito’y dahil sa mas mababang demand dulot ng ipinatupad na lockdown sa China dahil sa mataas na COVID-19 at ang tuloy tuloy na pag-uusap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Tinukoy nito ang pahayag ng Presidente ng Ukraine na hindi na igigiit ang membership nito sa Nato.
Kung magtutuloy ang ganitong development, maaring bumaba ng hanggang limang piso ang kada litro ng gasolina at 12 pesos sa kada litro ng diesel sa susunod na linggo.
Pero aminado si Cusi na hindi pa rin tuluyang babagsak ang presyo ng krudo maliban na lamang kung tuluyan nang tatanggalin ang sanction sa Venezuela,Syria at Iran.
Ang mga bansang ito ang inaasahang magbibigay ng isang milyong bariles ng langis kada araw.
Bababa rin ang presyo kung magkakaroon na ng ceasefire sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa ngayon aabot na sa 75 hanggang 80 pesos ang presyo ng kada litro ng gasolina sa Metro manila habang 71 hanggang 75 pesos ang diesel.
Meanne Corvera