Price cap sa pamasahe sa eroplano hiniling ng Kamara sa gobyerno


Hiniling ni Ilocos Sur Congressman Ronald Singson sa pamahalaan na magkaroon ng pansamantalang price cap sa pamasahe sa eroplano para sa local o domestic destination.

Ito ang nakasaad sa House Resolution 307 ni Congressman Singson at hinimok din ang kaukulang komite ng Kamara na magdaos ng pagsisiyasat in aid of legislation ukol sa nakaka-alarmang pagtaas sa presyo ng air fares na kinokolekta ng iba’t ibang airline companies.

Sinabi ni Singson, ang price cap ay para sa proteksyon ng mga pasahero gayundin ng mga airline companies.

Ayon sa kongresista batay sa mga datos ang local air travel bookings ay tumaas lalo’t maraming local destinations ang nagluwag na ng COVID-19 restrictions at nagbukas ng borders.

Inihayag ni Singson may mga reklamo at ulat na may mga airline company na sinasamantala ang sitwasyon at ang mataas na halaga ng oil products na sa kasalukuyan ay ipinapasa sa mga pasahero sa pamamagitan ng taas-pasahe sa eroplano.

Iginiit ni Singson kwestyonable ang masyadong mataas na pamasahe sa mga airline companies partikular sa mga kilalang destinasyon sa bansa gaya ng Boracay, Cebu, Bohol, Siargao at Palawan, kumpara sa mga ibang destinasyon.

Babala ng kongresista maaaring bumagsak ang air travel demand kung mananatiling mataas ang air fares at makakaapekto sa aviation sector at industriya ng turismo.

Niliwanag ni Singson kailangang masilip ng Kongreso kung bakit pinayagan ng Civil Aeronautics Board o CAB na maningil ng labis ng mga airline company at makapaglatag din ang mga mambabatas ng kinakailangang lehislasyon upang maprotektahan ang publiko habang binabalanse ang interes ng mga pasahero at mga airline companies.

Vic Somintac

Please follow and like us: