Prime Minister ng Australia na si Anthony Albanese, nakatakdang bumisita sa Pilipinas sa Setyembre
Opisyal na bibisita sa Pilipinas si Prime Minister Anthony Albanese ng Australia mula Setyembre 7 hanggang 8.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), magsisilbi itong isang “significant milestone” dahil ito ang magiging unang pagbisita sa bansa ng isang Australian Prime Minister mula noong 2003.
Ang naturang pagbisita ay kasunod ng serye ng mataas na antas ng pakikipag-ugnayan sa unang bahagi ng taong ito sa pagitan ng Pilipinas at Australia, na, sinabi ng PCO, na binibigyang-diin ang “shared commitment ng dalawang bansa na isulong ang trajectory ng kanilang multifaceted partnership.”
Si Albanese ay nakatakdang makipagkita kay Pangulong Bongbong Marcos sa Setyembre 8.
Ayon sa PCO, ang pakikipagkita ng pangulo sa Prime Minister, ay “inaasahang magpapalakas sa ugnayang ito, na magsisimula sa isang bagong panahon ng mas malapit na kooperasyon sa mga pangunahing sektor, tulad ng depensa at seguridad, kalakalan, pag-unlad ng ekonomiya, at mga usaping pandagat.”