Prime Minister ng Japan, ligtas na matapos ang insidente ng ‘smoke bomb’
Inilikas mula sa isang pantalan sa Wakayama si Japanese Prime Minister Fumio Kishida, matapos marinig ang isang pagsabog, ngunit hindi naman ito nasaktan sa insidente.
Ayon sa ilang mga ulat, malinaw na isang “smoke bomb” ang inihagis subalit walang agarang senyales na may napinsala o nasaktan.
Sinabi ng national broadcaster na NHK at iba pa, isang tao ang pinigil sa lugar na nasa kanlurang bahagi ng Wakayama, kung saan si Kishida ay nakatakda sanang magbigay ng talumpati.
Walang agarang opisyal na kumpirmasyon sa insidente, at ang lokal na pulisya ay tumangging magkomento.
Nagpakita ang NHK ng footage ng security at police personnel habang pinipigil ang isang indibidwal, habang nagkalat naman ang mga tao sa lugar.
Pinalakas ng Japan ang seguridad matapos ang pagpaslang kay dating prime minister Shinzo Abe, na binaril at napatay habang nagsasalita sa isang campaign event noong Hulyo 2022.
Nangyari ang insidente habang nagho-host ang Japan ng G7 ministerial events sa hilagang Sapporo at sa lungsod ng Karuizawa sa Nagano, at bago ang leader’s summit sa Hiroshima sa Mayo.
© Agence France-Presse