Prime Minister ng Portugal, nagbitiw kasunod ng imbestigasyon sa korapsiyon
Inanunsiyo ni Portuguese Prime Minister Antonio Costa ang kaniyang pagbibitiw, matapos siyang maharap sa isang corruption investigation kaugnay ng awarding ng energy-related contracts.
Ayon sa pahayag mula sa public prosecutors, ‘The probe involving Costa and others covers alleged misuse of funds, active and passive corruption by political figures, and influence peddling.”
Nakasaad pa sa pahayag, na si Costa ay iimbestigahan din ng bukod para sa umano’y pakikialam nang personal para mapabilis ang awarding ng mga lisensiya para sa lithium exploration at hydrogen production.
Sinabi naman ni Costa sa isang press conference, “The duties of prime minister are not compatible with any suspicion of my integrity. In these circumstances, I have presented my resignation to the president of the Republic.”
Ayon sa isang pahayag mula sa tanggapan ng pangulo ng Portugal, ay tinanggap ng head of state na si Marcelo Rebelo de Sousa ang pagbibitiw ni Costa at nagpatawag ng isang pagpupulong ng parliamentary parties nitong Miyerkoles, na ang layunin ay mag-organisa ng maagang eleksiyon.
Bago niya mabuwag ang parliyamento at magpatawag ng maagang halalan, kailangan ding pulungin ng pangulo ang Council of State, na kinabibilangan ng pinaka-senior na mga pulitiko, mga dating pangulo at iba pang mahahalagang personalidad.
Ayon pa sa pahayag, “The President of the Republic will address the nation immediately after the meeting of the Council of State.”
Si Costa, na mula sa Socialist Party ng Portugal, ay prime minister na simula pa noong huling bahagi ng 2015 at muling nahalal noong Enero 2022.
Sinabi naman ni Socialist Party president Carlos Cesar, na nakahanda ang partido para sa lahat ng senaryo, ito man ay maagang eleksiyon o isang pagbabago sa liderato ng gobyerno.
Sinabi ni Costa sa mga mamamahayag na “nagulat” siya nang buksan ang imbestigasyon, habang itinanggi naman na may nangyaring ilegal.
Aniya, “No one is above the law… the judicial authorities are free to investigate.”
Noong Martes, ay iniulat ng Portuguese media na hinalughog ng mga imbestigador ang tanggapan ng ilang ministers maging ang tanggapan ni Costa at official residence.
Kalaunan ay sinabi ng public prosecutors na kinasuhan nila si Infrastructure Minister Joao Galamba, at nag-isyu ng isang arrest warrant para sa chief of staff ni Costa.
Nakapaloob sa imbestigasyon ang lithium mining concessions sa hilaga ng bansa, maging ang isang hydrogen production project and data centre na itatayo ng kompanyang Start Campus sa Sines, isang bayan na nasa 100 kilometro (62 milya) sa timog ng Lisbon.
Banggit ang banta ng paglipad palabas ng bansa at posibilidad na magpatuloy ang ilegal na mga aktibidad, kaya’t nagpalabas din ng arrest warrants para sa alkalde ng Sines at dalawang executives sa Start Campus.
Kinasuhan din ang pangulo at executive board ng Portuguese Agency for the Protection of the Environment (APA).
Noong Mayo ay inaprubahan ng APA ang isang lithium mining project, isang mahalagang metal para sa pagbuo ng electric batteries.
Ang ikalawang proyekto ay binigyan ng go signal sa simula ng Setyembre. Ang mga proyekto ay tinutulan ng environmental groups at bahagi ng lokal na populasyon.
Ang Portugal ang may pinakamalaking lithium reserves sa Europe at pangunahing producer sa kontinente, ngunit ang kasalukuyang output nito ay napupunta nang buo sa ceramic at glass-making industries.
Ang popularidad ni Costa ay bumaba kamakailan matapos ang isang serye ng mga eskandalo, na kinabibilangan ng isa na may kaugnayan sa national airline na TAP.
Ang eskandalo na tinawag na TAPgate, ay nagbunsod sa pagbibitiw sa kanilang posisyon ng dose-dosenang ministers at secretaries.
Sumiklab ang kontrobersiya halos isang taon na ang nakalilipas kasunod ng mga rebelasyon na ang isang TAP director ay nabigyan ng 500,000-euro ($534,000) severance package.
Matapos umalis sa TAP, si Alexandra Reis ay naitalaga bilang pinuno ng air traffic control company na NAV na pinatatakbo ng estado. Pagkatapos, sa mga unang bahagi ng Disyembre siya ay naging junior minister sa treasury.