Prime Minister ng Russia dumating na sa China
Inihayag ng foreign ministry ng Moscow, na dumating na sa China si Russian Prime Minister Mikhail Mishustin upang makipagkita kay President Xi Jinping at lumagda sa serye ng mga kasunduan sa imprastraktura at kalakalan.
Si Mishustin ay dumating sa Shanghai, kung saan sinalubong ito sa paliparan ni Moscow ambassador to China Igor Morgulov at ng top diplomat ng Beijing sa Russia na si Zhang Hanhui.
Ayon sa Kremlin, lalahok ito sa Russian-Chinese Business Forum, bibisita sa isang petrochemical research institute sa Shanghai, at makikipagpulong sa mga “kinatawan ng Russian business circles.”
Ayon sa report, ang naturang forum ay nag-imbita ng ilang na-sanction na Russian tycoon – kabilang ang mula sa pangunahing sektor ng pataba, bakal at pagmimina – pati na rin ang Deputy Prime Minister na si Alexander Novak, na humahawak sa mga isyu sa enerhiya.
Noong nakaraang taon, ang Tsina ay naging nangungunang customer ng enerhiya para sa Russia, na ang gas exports ay bumagsak matapos ang Western sanctions kaugnay ng pagsalakay nito sa Ukraine.
Sinabi ng Russian state media na TASS, si Mishustin ay bibiyahe sa Beijing pagkatapos, kung saan makikipagkita siya kay Xi at kay Premier Li Qiang.
Nitong nakaraang mga taon, pinalakas ng Tsina at Russia ang kooperasyong pang-ekonomiya at ugnayang diplomatiko, kung saan ang kanilang estratehikong partnership ay naging mas malapit lamang mula nang mangyari ang pagsalakay sa Ukraine.
Bagama’t sinasabi ng China na sila ay neutral sa giyera, tumanggi naman ito na kondenahin ang Russia sa ginawa nitong pagsalakay.
Noong Pebrero, ang Beijing ay naglabas ng isang panawagan para sa isang “political settlement” sa labanan, na ayon sa mga bansang Kanluranin ay maaaring magbigay-daan sa Russia na hawakan ang karamihan sa teritoryong naagaw nito sa Ukraine.
Sa isang summit noong Marso sa Moscow, inimbitahan ni Xi si President Vladimir Putin na bumisita sa Beijing.
Sinasabi ng mga analyst na ang Tsina ang may hawak ng “upper hand” sa relasyon nito sa Russia, at ang pagkiling nito ay nadaragdagan habang lumalalim ang international isolation ng Moscow.