Princess Kate humingi ng paumanhin sa lumabas na edited photo
Humingi ng paumanhin si Catherine, Princess of Wales at inaming in-edit niya ang isang opisyal na larawan niya na inilabas ng palasyo, makaraang i-withdrew ng AFP at iba pang ahensiya ang litrato.
Ang 42-anyos na si Kate, ay huling nakita ng publiko noong December 25, bago ito sumailalim sa abdominal surgery noong Enero, na nagbunsod ng mga espekulasyon partikular sa online tungkol sa kaniyang kalusugan.
Upang matigil na ang mga tsismis, ang kaniyang tanggapan sa Kensington ay namahagi ng isang opisyal na larawan na sinasabing kuha ng kaniyang asawang si Prince William, kung saan kasama niya ang tatlong mga anak.
Subali’t agad na bumangon ang mga katanungan tungkol sa Mother’s Day picture ng nakangiting si Kate, nakasuot ng kaswal na damit at nakaupo sa isang garden chair, na napaliligiran nina Prince George, Princess Charlotte at Prince Louis.
Kasama sa discrepancies ang ilang mga hindi pagkakapare-pareho, tulad ng kaliwang kamay ni Charlotte na hindi nakatugma sa manggas ng kaniyang cardigan at nawawalang bahagi ng kaniyang manggas.
Ang buhok ng walong taong gulang na prinsesa ay umabot lamang sa balikat habang ang zipper ni Kate ay may mas lighter shade sa ibang parte ng larawan.
Ang AFP, Getty, Associated Press (AP) at Reuters ay pawang may mga patakaran tungkol sa pamamahagi ng manipuladong mga larawan, kaya ipinull-out nila ito bagama’t noong una ay inilathala nila ang larawang ibinigay ng Kensington Palace.
Sinabi ng domestic Press Association (PA) ng Britanya, na babawiin na rin nila ang litrato, banggit ang “kawalan ng paglilinaw” ng Kensington Palace tungkol sa larawan.
Ilang minuto lamang makaraan ang anunsiyo ng PA sa kanilang desisyon, nagpalabas ng pahayag ang palasyo sa X (dating Twitter), na may lagda ng “C” o Catherine.
Nakasaad sa pahayag, “Like many amateur photographers, I do occasionally experiment with editing. I wanted to express my apologies for any confusion the family photograph we shared yesterday caused.”
Maraming komentarista ang nagsuhestiyon na ang kaguluhan ay nagbunsod ng panibagong mga pagdududa sa pagtiyak ng palasyo tungkol sa kalusugan at paggaling ni Kate.
Sinabi ni Peter Hunt, isang dating BBC royal correspondent, na ang sitwasyon ay “nakakasira” para sa pamilya.
Aniya, “They knew there would be intense interest in any picture they release of Kate. Their challenge is that people will now question whether they can be trusted and believed when they next issue a health update.”
Idinagdag naman ni Graham Smith, pinuno ng Republic pressure group na nananawagan para sa isang ‘elected head of state,’ “It’s quite simple. Don’t use their own photos. It’s PR, not news.”
Ang labis na interes sa ‘absence’ ni Kate ay nagmula sa katotohanang si William na panganay na anak ni King Charles III at tagapagmana ng trono, ay nangangahulugan na isang araw ay magiging reyna siya.
Ayon sa Kensington Palace, na-admit si Kate sa ospital noong Enero 16 para sa planadong operasyon, pagkatapos ay lumabas noong Enero 29, upang magpagaling sa kanilang tahanan na hangga’t maaari ay hanggang sa March 31.
Ang pingtatalunang larawan, na nalathala sa lahat ng royal social media channels at malawakan namang naibahagi sa Britanya at sa buong mundo, ay may kasamang mensahe na may lagda ni Kate.
Nakasaad sa mensahe, “Thank you for your kind wishes and continued support over the last two months. Wishing everyone a Happy Mother’s Day.”
Subalit sa isang note sa kanilang mga kliyente, ay sinabi ng AFP na binawi nila ang larawan ni Kate kasama ng kaniyang mga anak matapos lumitaw na ang handout na ibinigay ng Kensington Palace ay binago.
Kapwa naman sinabi ng AP at Reuters, na binawi nila ang larawan dahil sa nang suriing mabuti, ay lumitaw na minanipula ang litrato sa paraang hindi sang-ayon sa kanilang photo standards.
Agad ding pinalitan ng mga mga pahayagan sa Britanya ang kanilang front page, na isang repleksiyon ng bumabangong kontrobersiya.
Hindi tiniyak ng royal officials ang tunay na sitwasyon tungkol sa operasyon ni Kate ngunit sinabing wala iyong kinalaman sa cancer.
Sa mga unang bahagi ng Marso, isang ‘snatched photograph’ na nagsasabing ito ay si Kate na nakasuot ng sunglasses, habang ipinagmamaneho siya ng kaniyang ina ang nalathala sa celebrity news site na TMZ.
Ang larawan na sinasabing kinunan malapit sa Windsor home ni William at Kate sa kanluran ng London, ay nabigo ring tabunan ang conspiracy theories sa social media tungkol sa ‘absence’ ni Kate sa spotlight.
Ang anunsiyo ng hospital admission ni Kate ay nangyari bago ang isa pang anunsiyo tungkol naman sa treatment ni King Charles III para sa isang benign enlarge prostate.
Subalit inanunsiyo pagkatapos nito na ang hari ay na-diagnose na may isang walang kaugnayan at hindi tinukoy na cancer, na naging sanhi upang mapilitan siyang kanselahin ang kaniyang public engagements, at ipagbawal ang ilang official meetings.
Ang 75-anyos na si Charles, ang naging hari at pinuno ng estado ng Britanya nang mamatay ang kaniyang ina na si Queen Elizabeth II noong September 2022.
Ang kaniya namang asawa na si Queen Camilla, ang naging pangunahing senior figure ng royals sa public events.