Printing process sa mga balota sa May 2022 Elections, ipinakita ng COMELEC at NPO
Nagsagawa ng virtual walkthrough ang COMELEC at National Printing Office (NPO) para sa ballot printing sa eleksyon sa Mayo.
Dahil sa muling paghihigpit bunsod ng pagdami ng COVID-19 cases, hindi live kundi pre-recorded na video ng pagiimprenta ng mga test ballots ang ipinakita sa media at iba pang stakeholders walkthrough.
Ayon sa poll body, kabuuang 67,442,714 opisyal na balota ang iimprenta para sa May 2022 Elections.
Mula sa nasabing bilang, 1,697,202 ang balota para sa overseas absentee voting at 65,745,512 ang para sa local voting.
Tatlong printers naman ang gagamitin ng NPO para sa ballot printing at may isa pang printer na naka-standby bilang contingency measure.
Sinabi ng COMELEC na may security features ang papel na gagamitin sa official ballots gaya ng QR code, security and timing marks, at invisible ultraviolet authentication marks.
Isasailalim din sa visual verification ang mga naimprentang balota at vote counting machine checking.
Tiniyak ni Printing Commitee Vice- Chairperson Director Helen Aguila- Flores na alinsunod sa batas ang printing process ng NPO sa mga balota.
Mahigpit din aniyang ipinapatupad ang health and safety protocols sa NPO lalo na’t maraming tauhan ang sangkot sa buong proseso ng ballot printing.
Secured din aniya ang lugar ng ballot printing dahil katuwang ng COMELEC at NPO sa pagbabantay at seguridad ang mga tauhan mula sa PNP, AFP, BFP at iba pang law enforcement agencies.
Sa Miyerkules, Enero 19 ay sisimulan na ang printing ng balota para sa overseas absentee voting at local absentee voting.
Sa pagtaya ng poll body, maaaring matapos ang pagiimprenta ng lahat ng official ballots sa Abril 21.
Moira Encina