Problema sa pagpaparehistro sa National ID, pinareresolba
Umapila si Senator Ping Lacson sa gobyerno na resolbahin ang problema para sa pagpaparehistro sa National ID system.
Sa harap ito ng sangkatutak na reklamo hinggil sa mahabang pila at napakabagal na proseso sa pagpaparehistro.
Sinabi ni Lacson na nakakabahala ang samut saring isyu sa national id gaya ng kontrobersiya sa pag- aaward ng service at supply contract, pagbagsak ng website ng philippine statistic authority at mahabang pila ng mga nagpaparehistro.
Dismayado si Lacson na pangunahing may akda ng batas para sa National ID na hanggang ngayon hindi maayos ang sistema para sa pagpaparehistro.
Kung talagang seryoso aniya ang gobyerno na makapagrehistro ng mas maraming Filipino dapat baguhin ang kanilang mabagal na sistema.
Nauna nang ini-anunsyo ng PSA kahapon na nakumpleto na ang pagpaparehistro ng may 16 na milyong filipino habang mahigit isang milyon pa ang naipalalabas na identification cards.
Meanne Corvera