Produksiyon ng Paris Olympic Medal tuloy sa kabila ng mga protesta: National Mint
Sinabi ng French national mint na tuloy pa rin ang produksiyon ng medals para sa Paris Olympics Games, sa kabila ng mga protesta at paghinto sa pagtatrabaho ng staff simula pa noong isang buwan.
Humigit-kumulang 50 mga empleyado ang nagsagawa ng demonstrasyon sa harap ng central Paris headquarters ng mint, kung saan sinasabi nila na ang tigil sa trabaho sa nagdaang dalawang linggo ay “nagpatigil sa produksiyon” ng mga medalya bago ang simula ng Games sa July 26.
Sinabi naman ng mint sa isa nilang pahayag, “Production of the medals is not blocked. All of the medals have been minted and we are at the finishing stage. We will deliver on schedule and on time.”
Nais ng mga nagpoprotestang staff na kinakatawan ng trade unions ng “Olympics bonus,” na ibinibigay sa ibang state employees gaya ng police officers at mga nurse, na magtatrabaho sa panahon ng Olympics at sa Paralympics sa July at August.
Tumanggi ang mint na magbigay ng bonuses at sa halip ay nakikipagnegosasyon para sa taunang dagdag sahod para sa 430 nilang staff, na siyang responsable sa paggawa ng halos 5,000 ginto, pilak at tansong mga medalya na gagamitin sa Games.
Ang mga medalya ng Paris 2024 ay ginawa mula sa recycled na metal at bawat isa ay naglalaman ng isang maliit na hugis hexagon na medalyon na kinuha mula sa itinapon na metal mula sa orihinal na Eiffel Tower. Disenyo ito ng luxury French jeweler na si Chaumet.
Una nang itinanggi ng mint ang isang ulat noong Enero na nahihirapan itong maghanap ng angkop na non-toxic substance na gagamiting coat sa bawat medalyon.
Ang puddle iron na ginamit sa Eiffel Tower ay nangangailangan ng proteksiyon mula sa hangin at humidity upang mapigilan na ito ay kalawangin.