Program misinformation campaign sa West Philippine Sea, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan na ni Senador Jinggoy Estrada ang napaulat na disinformation campaign sa West Philippine Sea na pinopondohan umano ng isang dayuhang bansa.
Sa Senate Resolution 910 na inihain ni Estrada, hiniling nito na busisiin ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang kumakalat na fake news at mga maling impormasyon tungkol sa mga iligal na gawain at panghihimaosk ng dayuhan sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ang maling impormasyon aniya Laban sa Pilipinas ay nagpapahina sa makasaysayang tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration.
Nais ni Estrada na matukoy sa imbestigasyon ang lawak ng makinarya ng nasa likod ng disinformation campaign upang makatulong sa pagbuo ng magiging solusyon ng gobyerno.
Batay sa resolusyon, may ilang journalists ang nakatanggap ng email kung saan tinangka na ilihis ang atensyon ng publiko sa mga mararahas na aksyon ng China sa halip ay itinuturo ang militarisasyon ng Vietnam sa WPS.
May mga online posts din na tinukoy kung saan Pilipinas ang sinasabing unang nanggulo, at binabanatan din ang mga naging aksyon ng Philippine Coast Guard.
Meanne Corvera