Programa ng DTI na papalit sa 5-6 ng bumbay, guidelines na lang ang kulang
Hinihintay na lang ng Department of Trade and Industry (DTI) ang implementing guidelines para maipatupad ang programang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso o P3 na may layunin na magpahiram ng sapat na pondo para sa pagnenegosyo ng maliliit na mga negosyante sa bansa.
Ang programa ay kasunod ng direktiba ni Pang. Rodrigo Duterte na masugpo ang mga Indian nationals o Bumbay na nagpapautang ng 5-6 sa mga Filipino.
Ayon sa DTI, target ng P3 ang mga market vendor at agribusiness owners na kabilang sa micro,small and medium enterprises o MSMEs.
Sa pamamagitan ng programa, makakahiram ang mga maliliit na negosyante ng halaga sa minimum na P5,000 hanggang P300,000 at may monthly interest rate lamang na 2.5 percent.
Ito ay higit na mababa kung ikumpara sa halos 20 percent na interest rate na sinisingil araw-araw o linggo-linggo ng mga nagpapautang ng 5-6.