Props na ginamit sa ‘The Crown’ series popular sa London auction
Natapos na nitong Huwebes ang bentahan ng mga set, costumes at props mula sa hit Netflix drama na “The Crown,” kung saan ilang showpiece items ang lumampas sa mga pagtaya at naipagbili ng libu-libong pounds.
Daan-daang items, mula sa isang script na may lagda hanggang sa isang sports car na natampok sa award-winning show ang ipina-auction sa dalawang araw na London auction, na noong Miyerkoles ay isinagawa ng live.
Ang 1987 green Jaguar XJ-SC Cabriolet, na ginamit sa “The Crown” upang i-portray ang kaparehong modelong pag-aari ni Princess Diana, ay nabili sa halagang £70,250 ($88,600), ang pinakamataas sa isinagawang auction ng Bonhams.
Ang halaga ay higit apat na ulit kaysa mababang estimate price na itinakda ng auctioneers.
Ang reproduction naman ng Gold State Coach, na ginamit para sa British royal coronations, jubilees at iba pang events, na itinampok sa seasons three at six ng show, ay nabena ng £56,280.
Samantala, ang isang reproduction ng Saint Edward’s Chair, na kilala bilang “Coronation Chair” at ginamit sa season one, ay nabili ng £25,600.
Subalit ang isang replica ng harapan ng 10 Downing Street, ang tanggapan at tahanan ng British prime minister, ay nabenta lamang ng £10,880, mas mababa kaysa estimate na £20,000-£30,000.
Marami rin ang naakit at nagka-interes na bilhin ang ilang costumes na isinuot on-screen ng “The Crown” cast members, laluna ang mga damit at alahas ni Princess Diana.
Ang isang custom-made replica ng ceremonial Coronation garments na isinuot ni Claire Foy, na gumanap bilang Queen Elizabeth II sa kaniyang koronasyon noong 1953, ay nabenta ng halos £20,000.
Habang ang isang bersiyon ng tinatawag na “revenge” dress ni Diana, na isang daring off-the-shoulder cocktail dress na ginamit naman ng aktres na si Elizabeth Debicki sa fifth season ay nabili sa halagang £12,800.
Ginamit ni Princess Diana ang orihinal na damit sa isang party noong 1994, kasabay nang araw nang aminin sa telebisyon ng noon ay asawa niyang si Charles (na hari na ngayon), ang kaniyang extramarital affair sa kaniyang second wife ngayon na si Queen Camilla.
Ang isa namang reproduction ng engagement ring ni Diana, na may pekeng sapphire ay naipagbili ng halos £8,000.
Ang bentahan ay natapos na nitong huwebes, kung saan dose-dosena ang naipagbili sa pamamagitan ng online habang papatapos ang auction.
Marami sa mga bagay na inialok sa auction, kabilang ang mga set mula sa palabas, ay nakita sa isang espesyal na eksibisyon na naglibot sa New York, Los Angeles, Paris at London mula noong unang bahagi ng Enero.
Ayon sa Bonhams, “Proceeds from Wednesday’s live auction will go towards establishing a scholarship programme at the National Film and Television School, allowing the next generation of film and television makers to receive world-renowned training.”