Proseso ng pagsuspinde sa lisensiya ng 4,900 striking doctors sinimulan na ng S.Korea
Sinimulan na ng South Korea ang proseso upang suspendihin ang medical licenses ng 4,900 junior doctors na nagbitiw at tumigil sa pagtatrabaho, upang i-protesta ang medical training reforms ng gobyerno.
Ang walkout, na nagsimula noong February 20, ay kaugnay ng mga plano ng gobyerno na magdagdag ng maraming bilang ng mga doktor, na ayon dito ay mahalaga upang labanan ang kakulangan at pagsilbihan ang mabilis na tumatandang populasyon ng South Korea. Argumento ng mga medic, masisira ang kalidad ng serbisyo sa nasabing plano.
Halos 12,000 junior doctors o 93 porsiyento ng trainee workforce, ay wala sa kanilang mga ospital sa huling bilang, sa kabila ng mga back-to-work order ng gobyerno at mga banta ng legal na aksyon, na pumuwersa sa Seoul na pakilusin ang military medics at milyun-milyong dolyar na state reserves upang pagaangin ang sitwasyon.
A parking attendant stands next to an ambulance outside a hospital in Seoul on March 11, 2024. (Photo by ANTHONY WALLACE / AFP)
Sinabi ng health ministry na nagpadala sila ng administrative notifications, ang unang hakbang sa pagsususpinde sa medical licenses ng libu-libong trainee doctors matapos suwayin ang utos na bumalik na sila sa kanilang mga ospital.
Sinabi ni Chun Byung-wang, direktor ng health and medical policy division sa health ministry, “As of March 8 (notifications) have been sent to more than 4,900 trainee doctors.”
Una nang binabalaan ng gobyerno ang nagwewelgang mga doktor, na mahaharap sila sa tatlong buwang suspensiyon ng kanilang mga lisensiya, isang parusa na ayon sa gobyerno ay magpapaantala ng hindi bababa sa isang taon sa kanilang tyansa para ma-qualify bilang specialists.
Hinimok ni Chun ang mga nagwewelga na balikan ang kanilang mga pasyente.
Aniya, “The government will take into account the circumstance and protect trainee doctors if they return to work before the administrative measure is complete.” Pahiwatig ito na ang mga doktor na babalik na ngayon sa trabaho ay makaiiwas sa parusa.
Sinabi pa ni Chun, “The government will not give up dialogue. The door for dialogue is always open. The government will respect and listen to opinions of the medical community as a companion for the medical reforms.”
Medical workers walk outside a childrenís hospital in Seoul on March 11, 2024. (Photo by ANTHONY WALLACE / AFP)
Noong isang linggo ay inanunsiyo ng gobyerno ang mga bagong hakbang upang pagandahin ang suweldo at kondisyon para sa trainee medics, at isang pagrepaso sa tuloy-tuloy na 36-na oras na work period, na isa sa pangunahing inirereklamo ng junior doctors.
Dahil sa welga ay nagkaroon ng kanselasyon sa mga operasyon, mahabang oras ng paghihintay at pagkaantala sa paggagamot sa mga pangunahing ospital.
Itinanggi ng Seoul na mayroong isang ‘full-blown healthcare crisis,’ pero sinabi ni Chun na magsisimula nang magtrabaho ang military doctors sa civilian hospitals simula bukas, Miyerkoles.
Isinusulong ng gobyerno na i-admit ang dalawang libong dagdag pang mga estudyante sa medical school bawat taon simula sa 2025, upang tugunan ang tinatawag nitong isa sa pinakamababang doctor-to-population ratios sa kalipunan ng mga mauunlad na bansa.
Nangangamba ang mga doktor na sisirain nito ang kalidad ng serbisyo at medical education, subalit inakusahan naman ng mga sang-ayon dito ang mga medic nang pagtatangkang proteksiyunan ang kanilang mga suweldo at kalagayan sa lipunan.
Sa ilalim ng batas ng South Korea, ang mga doktor ay pinagbabawalang magwelga, kayat inatasan na ng health ministry ang pulisya na imbestigahan ang mga taong may kinalaman sa tigil trabaho.
Ang plano ay malawakang sinuportahan ng publiko, ngunit sa isang bagong survey na isinagawa ng local media, natuklasan na mayroong 34 na porsiyento ng mga tao na naniniwalang dapat nang simulan ng magkabilang panig ang tamang negosasyon.
Sa isang editoryal na nalathala nitong Lunes sa pahayagang Kyunghyang Shinmun ay nakasaad, “Doctors and the government are not in a boxing ring, “ at hinimok ang mga doktor at ang gobyerno na muling mag-usap.
Nakasaad pa rito, “People’s patience is wearing thin… The exit from this quagmire must be found through dialogue between the two sides.”