Proseso para i-designate na terorista si Congressman Teves sinimulan na – DOJ
Bumuo na ng Technical Working Group (TWG) para irekomendang terorista si suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. na sinasabing utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nagpulong na ang Anti- Terrorism Council (ATC) kung saan tinalakay ang pag-designate kay Teves bilang terorista.
Inihayag ng kalihim sa ATC kung bakit kailangan na ikonsiderang terorista ang Kongresista at kung anu-anong probisyon sa Anti- Terrorism Act ang batayan para dito.
Iginiit ng kalihim na kung kayang gawin ng grupo ni Teves na patayin ang gobernador sa loob ng mismong bahay nito ay sino ang hindi matatakot sa nasabing pangyayari tulad ng mga karaniwang tao.
Sinabi pa ni Remulla na handa sila sa “legal challenges” na maaaring nilang kaharapin sa pagpapadeklara kay Teves bilang terorista.
Samantala, bukod sa mga kasong murder na isasampa laban kay Teves,inanunsiyo ni Remulla na sabay na kakasuhan din nila ito ng terorismo.
“Very soon” na rin aniya ang paghahain ng mga nasabing kaso laban kay Teves.
Moira Encina