Proteksyon ng mga kabataan laban sa mga Kriminal, ipinapa-priyoridad ng isang mambabatas sa bagong PNP Chief
Umapela ang Kamara kay bagong talagang Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. na i-prayoridad ang pagbibigay proteksyon sa mga bata laban sa mga sindikato at elementong kriminal.
Ang kahilingan ay ginawa ni Congresswoman Angelica Natasha Co, Chairman ng House Committee on the Welfare of Children, dahil ang mga bata ay kabilang aniya sa most vulnerable sectors ng lipunan at palaging na bibiktima.
Mungkahi ni Co kay General Acorda na palakasin ang serbisyo ng Women and Children’s Desk ng PNP at tutukan ang pagresolba sa mga krimen laban sa mga bata.
Batay sa record, sinabi ng Kongresista na madalas ay mga bata ang ginagamit ng mga sindikato, gang at mga iresponsableng indibiduwal para gumawa ng krimen o mga ilegal na aktibidad tulad ng pagnanakaw, kidnapping, sexual assault, rape, illegal drug trafficking at prostitusyon.
Inirekomenda rin ni Co kay Acorda na palakasin din ang koordinasyon ng mga istasyon ng pulisya sa mga barangay para maresolba ang kriminalidad at manaig ang kapayapaan, katahimikan at seguridad sa buong bansa.
Vic Somintac