PRRD bumisita rin sa mga naapektuhan ng bagyong Agaton sa Capiz
Pinuntahan din nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go ang probinsya ng Capiz na isa rin sa mga lugar na matinding tinamaan ng bagyong Agaton.
Nagsagawa ng aerial inspection ang Pangulo upang i-assess ang pinsalang dulot ng bagyo.
Batay sa ulat, nasa 69,177 pamilya mula sa 252 na barangay sa lugar ang apektado habang 7,305 pamilya naman ang pansamantalang inilikas sa mga evacuation center.
Sa assessment naman sa buong probinsya, 28 na major roads ang kasalukuyang hindi madaanan, dalawang bahay ang nasira at mahigit P81.83 milyong piso ang napinsala sa agrikultura ng Capiz.
Binisita ng Pangulo ang Pontevedra Elementary School Evacuation Center at tiniyak niyang tutugunan ang mga pangangailangan ng mga kababayan nating apektado at maasikaso ng kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga pangangailangan ng lokal na pamahalaan upang makabangon ang probinsya mula sa epekto ng bagyong Agaton.
Patuloy din ang kaniyang panawagan na magtulungan at magbayanihan upang malagpasan natin ang mga hamon sa panahong ito.