PRRD, itinangging isinugod sa ospital pagkatapos ng kaniyang SONA
Mariing pinabulaanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kumalat na balita sa social media na dinala siya sa ospital pagkatapos ng kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Sinabi ng Pangulo na pagkatapos ng kanyang SONA ay sumakay siya ng presidential car at nagbiyahe by land dahil hindi pinayagan ng Presidential Security Group o PSG na gamitin ang presidential chopper na nagdala sa kanya sa Batasan complex dahil malakas ang ulan.
Ayon sa Pangulo mula sa Batasan complex ay dumeretso siya sa isang restaurant kasama ang kanyang asawa na si Honeylet Avanceña at Senador Bong Go para kumain.
Inihayag ng Pangulo na maayos ang kaniyang kalusugan at ķatunayan ay tumagal siyang nakatayo ng halos 3 oras sa kanyang huling SONA.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos kumalat sa social media ang video na muntik na siyang matumba pagkatapos mag-bow bago maglakad papasok sa plenaryo ng Batasan para ideliver ang kanyang huling SONA at may report pa na lumapag ang presidential chopper sa isang ospital at dumagsa umano ang mga kagawad ng PSG sa nasabing pagamutan kaya hinihinalang dinala doon ang Chief Executive.
Niliwanag ng Pangulo na hindi siya sumakay ng presidential chopper pauwi pagkatapos ng SONA at ang video na muntik na siyang matumba ay dahil may nakaapak ng kanyang paa bago maglakad.
Tiniyak ng Pangulo na hindi niya itatago sa publiko ang lagay ng kanyang kalusugan kung mayroon man siyang iniindang matinding karamdaman.
Vic Somintac