PRRD: Mga Medical frontliner na ayaw magpabakuna ng Sinovac, hindi pipilitin
Malaya ang sinuman na mamili kung anong brand ng bakuna laban sa COVID-19 ang nais nilang ipaturok at walang sapilitan.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos salubungin sa Villamor Airbase ang 600,000 doses ng Sinovac anti COVID 19 vaccine na donasyon ng Chinese government sa Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo bagamat first priority ang mga medical frontliners na babakunahan laban sa COVID 19 hindi pipilitin ang sinoman na magpabakuna.
Ayon sa Pangulo, kailangang pagtiwalaan ng publiko ang bisa at kaligtasan ng Sinovac anti COVID 19 dahil ito ay ginagamit na sa maraming bansa tulad ng Brazil, Turkey, Mexico, Indonesia, Hongkong, Singapore at Thailand.
Inihayag ng Pangulo kung siya lang ang masusunod ay gusto na niyang magpabakuna ng Sinovac subalit kinakailangan pa ang clearance ng kanyang mga medical adviser dahil sa kanyang edad.
Dahil dito ilang mga Cabinet Officials ang magpapabakuna ng Sinovac para mahikayat ang publiko na pagtiwalaan ang kauna-unahang bakuna na dumating sa bansa.
Vic Somintac