PSA at BSP, sinisingil ng Kamara sa mga hindi pa naidedeliver na National ID card
Tinawagan ng pansin ng Kamara ang Philippine Statistics Authority o PSA at Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP kaugnay ng milyong milyon pang hindi naidedeliver na National Identification Card sa pamamagitan ng Philippine Identification System o Philsys program.
Sinabi ni dating Presidential Son at Davao City Congressman Paolo Duterte na kailangang bilisan ng PSA na incharge sa implementasyon ng Philsys project at BSP na responsable sa paggawa ng physical ID cards na idedeliver sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation o Philpost dahil mayroon namang pondo na inilaan ang gobyerno na nagkakahalaga ng 4.84 bilyong piso na nakapaloob sa 2022 National budget.
Ayon kay Duterte makakatulong ng malaki ang National ID para tuluyang malinis ang listahan ng mga benepisaryo ng social amelioration program ng pamahalaan na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Inihayag ni Duterte na batay sa record umaabot lamang sa mahigit 13 milyong Pilipino ang nabigyan ng National ID card mula sa 92 milyon na target population.
Magugunitang ipinag-utos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na apurahin na ang pagpapatupad ng National ID projects para mapabilis ang pag-aabot ng tulong ng pamahalaan sa mga mahihirap na mamamayan.
Vic Somintac