Public engagements ni Pangulong Duterte sa labas ng Malakanyang tuloy sa kabila ng mga banta sa buhay
Hindi maaapektuhan ang mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labas ng Malakanyang sa kabila ng pagkumpirma nito na mayroon pagbabanta sa kanyang buhay.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na totoong may mga natatanggap na mga banta ang Pangulo na posibleng galing sa mga grupo na nasasagasaan sa ipinapatupad na kampanya ng gobyerno.
Sinabi ni Panelo hindi man matukoy kung sino ang mga taong nasa likod nang pagbabanta sa buhay ng Pangulo subalit hindi umano ito malayong galing sa mga drug lords, kalaban sa pulitika o kaya ay mula sa mga makakaliwang grupo.
Magugunitang naging usap-usapan ang paglalagay ng bullet proof glass ng Presidential Security Group o PSG sa podium kung saan nagtalumpati si Pangulong Duterte sa Campaign Rally sa Malabon City.
Sa mga nakaraang talumpati ng Pangulo palagi nitong binabanggit na hindi ito takot maa-assasinate ng kanyang mga kaaway.
Nilinaw ng Malakanyang na asahan na ng publiko ang mas mahigpit na security measures na ipatutupad ng PSG sa mga public engagement ng Pangulo.
Ulat ni Vic Somintac