Public tours sa White House ibabalik na sa susunod na buwan makalipas ang 2 taon
Inanunsiyo ng White House na ibabalik na nila sa susunod na buwan ang public tours, may dalawang taon makaraan iyong itigil dahil sa COVID-19.
Inihinto ng White House ang public tours sa kalagitnaan ng Marso 2020, matapos dumating ang sakit na coronavirus sa Estados Unidos.
Sinabi ng mga opisyal na ang public tours ay ibabalik simula sa April 15, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:30 ng tanghali tuwing Biyernes at Sabado, maliban sa federal holidays.
Ayon sa pahayag ng White House . . . “Consistent with prior practices, public White House tour requests must be submitted a minimum of 21 days in advance and no more than 90 days in advance of the requested tour date. The White House … reserves the right to adjust the availability of the public tours as necessary to adhere to the latest health guidance.”
Sinabi rin ng mga opisyal na hindi na nila ire-require ang face masks sa panahon ng tours, subali’t available ang masks sa White House sa simula ng tour.
Dagdag pa ng mga opisyal, sinumang magpositibo sa COVID-19 sa loob ng 10 araw bago ang tours, magpakita ng mga sintomas o nagkaroon ng close contact sa isang taong may Covid, ay hindi na dapat sumama sa public tours.
Sa sandaling ibalik na sa susunod na buwan, ang naturang public tours ang magiging una sa ilalim ni US President Joe Biden, na naupo sa puwesto noong Enero 2021.