Publiko hinimok ng BSP na itago ang mga ipon sa formal accounts
Hinikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na ilagay sa mga formal accounts gaya ng bangko ang kanilang ipon sa halip na itago sa bahay.
Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na lumilikha ng artificial shortage ang pagtago sa mga pera sa mga garapon, bote, cabinet at mga katulad na lagayan.
Dahil dito ay kinakailangan aniya ng BSP na dagdagan ang bilang ng mga banknotes at barya sa sirkulasyon na nagdudulot ng karagdagang gastos sa produksyon.
Paliwanag pa ni Diokno ang “unnecessary accumulation” ng mga salapi at barya ay humahadlang para umikot ang currency ng bansa at magamit bilang pambayad.
Bukod sa bangko, pinayuhan ng central bank ang publiko na ideposito ang kanilang savings sa e-money issuers, microfinance institutions, cooperatives, at non-stock savings and loan associations.
Ayon pa kay Diokno, ang mga pinaghirapang ipon na inilalagay sa formal accounts ay nababantayan sa pamamagitan ng mga regulasyon na ipinapatupad ng BSP at iba pang kinauukulang ahensya.
Moira Encina