Publiko malayang pumili ng brand ng anti COVID-19 vaccine – Malakanyang
Niliwanag ng Malakanyang na malaya ang sinoman na pumili ng brand ng bakuna laban sa COVID-19 na gagamitin.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque nanatili ang patakaran ng gobyerno na hindi sapilitan ang pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Roque kung ayaw ang available na bakuna hindi ito ipipilit ng gobyerno.
Inihayag ni Roque hindi dapat na magkaroon ng brand preference dahil lahat ng mga bakuna na ginagamit ay pumasa sa pagsusuri ng Food and Drug Administration o FDA at garantisadong ligtas at epektibo.
Kabilang sa mga ginagamit na anti COVID-19 vaccine sa bansa ay ang Sinovac ng China, Gamaleya Sputnik V ng Russia, AstraZeneca ng United Kingdom at Pfizer ng Amerika.
Nakiusap naman si Roque sa publiko na magpabakuna upang sa lalong madaling panahon ay makuha ang herd immunity para matapos na ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Vic Somintac