Publiko walang dapat ipangamba sa bakuna -PHA
Isang ligtas at epektibong paraan upang maproteksyunan ang kalusugan laban sa COVID- 19 ang pagpapabakuna.
Ito ang binigyang diin ng mga eksperto mula sa Philippine Heart Association o PHA sa ginanap na Health Forum on Usapang Puso sa Puso, Pangamba sa Bakuna, Ang Puso sa Gitna ng Pandemya.
Sinabi ni Dr. Michael Joseph Agbayani, Chair, PHA Council on Heart Failure na ang mga maysakit sa puso ay vulnerable sa covid at kapag sila ay dinapuan ng severe covid, maaari nilang ikamatay, kung kaya, marapat lang na sila ay magpabakuna.
Sa panig naman ni Dr. Richard Henry P. Tiongco, Chair, PHA Council on Pharmacology, sinabi niya na mas lamang ang ikabubuti ng bakuna kumpara sa posibleng peligro na dulot nito, kung kaya, hindi dapat na mangamba sa pagpapabakuna.
Payo pa ng mga eksperto mula sa PHA, bagaman may bakuna kontra covid 19, mahalagang sundin pa rin ang ipinatutupad na health at safety protocols tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield, paghuhugas ng kamay at physical o social distancing.