Putin, ipinagtanggol ni Erdogan sa alegasyon ng pakikialam sa eleksiyon
Turkish President Recep Tayyip Erdogan gestures as he addresses a speech during his campaign rally in the Sultangazi district of Istanbul, on May 12, 2023. Turkish President Recep Tayyip Erdogan prepared to meet his hardcore supporters on May 12, 2023 to showcase enduring strength in the face of his toughest election challenge of his two-decade rule. (Photo by OZAN KOSE / AFP)
Ipinagtanggol ni President Recept Tayyip Erdogan si Vladimir Putin ng Russia mula sa mga alegasyon ng umano’y pakikialam nito sa weekend election ng Turkey.
Inakusahan ng katunggali ni Erdogan na si Kemal Kilicdaroglu ang hindi pinangalanang “Russian actors,” ng pagpapakalat ng “deep fakes” at iba pang ‘disinformation’ na ang layunin ay baguhin ang kalalabasan ng botohan sa Linggo.
Mariin namang itinanggi ng Kremlin ang alegasyon at ipinagtanggol din ni Erdogan si Putin sa isang televised campaign.
Sinabi ni Erdogan, “Mr. Kemal is attacking Russia, Mr. Putin. If you attack Putin, I will not be okay with that. Our relations with Russia are no less important than those with the United States.”
Napanatili ni Erdogan ang magandang relasyon kay Putin sa buong panahon ng pananakop nito sa Ukraine.
Ang Turkey ay nakinabang mula sa mga rebate sa Russian energy imports at tumangging makiisa sa pagpapataw ng sanctions ng mga bansang kanluranin sa Kremlin.
Lumitaw sa mga survey, na mahigpit ang labanan sa pagitan ni Erdogan at ng kaniyang katunggali.
Ang pahayag ni Kilicdaroglu ay ginawa habang kainitan ng dumaraming ‘dirty campaign,’ na naging sanhi upang mag-withdraw na ang third-party candidate na si Muharrem Ince.
Inanunsiyo ni Ince ang kaniyang desisyon matapos siyang maging target ng isang online campaign, na kinabibilangan ng dinoktor niyang mga imahe kung saan makikitang may kasama siyang mga babae at lulan ng magagarang sasakyan.
Si Erdogan ay nagpalabas din ng ‘misleading videos’ sa panahon ng mga rally na nagtatangkang isangkot si Kilicdaroglu sa mga miyembro ng ipinagbawal na Kurdish militia, na sa pananaw ng Turkey at mga kaalyado nito ay mga “terorista.”
© Agence France-Presse