QC Covid-19 Task Force, target maabot ang 1,000 test kada araw; Bilang ng mga nagpopositibo sa virus, bumababa
Isa ang Quezon City sa pinaka-agresibong lokal ng pamahalaan kung ang pag-uusapan ay pagsasagawa ng Covid-19 testing.
Ito ang pahayag ni Dr. Rolly Cruz, pinuno ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).
Ayon kay Cruz, 600-800 test kada araw ang kanilang naisasagawa.
Isang hamon din aniya para sa Community based testing sites na makapagsagawa mas marami pang test dahil aktibo aniyang tumutulong ang National government sa pamamagitan ni Testing czar Vince Dizon.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Joseph Juico, head ng QC Covid-19 Task Force, target nila ng maabot ang 1,000 test kada araw.
Samantala, patuloy na bumababa ang bilang ng bagong kaso ng Covid-19 sa lunsod sa nakalipas na apat na linggo.
Pinatunayan ito ng ginawang pag-aaral ng UP OCTA Research Team.
Ayon sa grupo, ang Reproduction Number o R0 ng Quezon City ay nasa 0.79.lang ….Mas mababa anila ito kumpara sa RO ng National Capital Region na .83 at ng buong bansa na .92.
Subalit, babala ng naturang grupo, hindi pa rin dapat na maging kampante ang mga taga QC kahit bumababa ang bilang ng nagpopositibo sa Covid-19.
Napakahalaga pa rin anila na sundin at isagawa ang lahat ng quarantine measures na ipinatutupad ng gobyerno tulad ng pagsusuot ng face mask, face shields, physical distancing at madalas na paghuhugas ng kamay.
Belle Surara