QC police station 3 commander, sinibak sa puwesto kasunod ng pagtatalaga ng mga pulis sa SONA kahit wala pa ang Covid-19 test result
Sinibak sa puwesto ang Police commander ng Station 3 sa Quezon City matapos magtalaga ng mga pulis sa State of the Nation Address (SONA) kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng kanilang Covid-19 test.
Ayon kay Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar. nirelieve sa puwesto si Police Station 3 commander Lieutenant Colonel Cristine Tabdi dahil sa command responsibility.
Kasabay nito, nanawagan si Eleazar sa publiko na iwasang magpakalat ng mga espekulasyon tungkol sa mga pulis na nagpositibo sa virus.
Tiniyak ng PNP Chief na kaagad silang nagsagawa ng testing sa iba pang QCPD personnel matapos lumabas ang RT-PCR test results ng mga pulis.
Sa ngayon aniya ay hinihintay nila ang RT-PCR results ng nasa 167 PNP personnel at isinasagawa na ang tuluy-tuloy na contact tracing sa mga pulis.
Dapat din aniyang magsilbing paalala ito sa lahat ng mga police commander na ipatupad ng mahigpit ang mga umiiral na protocol lalu ngayong may mga kaso na ng Delta variant sa bansa.
“Hindi makatwiran at hindi makatao na hamakin pa ang ating kapulisan sa kabila ng kanilang sinapit dahil halos lahat ng mga pulis na tinamaan ng COVID ay dahil naman sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin. Sila ay may mga pamilyang nag-aalala din at higit sa lahat, sila ay kapwa natin Pilipino, kaya nakikiusap tayo na maging sensitibo tayo sa ating mga binibitawang salita”. –Gen. Eleazar