Quebec, magpapatupad ng 10PM New Year’s curfew bunsod ng pagsirit ng kaso ng Covid-19
Inanunsiyo ng Quebec sa Canada, ang isang nighttime curfew kaugnay ng New Year’s Eve celebrations bunsod ng pagtaas sa mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Nitong nakalipas na mga araw, ilang lalawigan ang nagpatupad na ng mga mahigpit na limitasyon sa mga pagtitipon, habang ipinagpaliban na rin ang pagbabalik ng mga estudyante sa eskuwelahan makaraan ang December 25.
Sinabi ni Quebec Premier Francois Legault, na ang 10 p.m. to 5 a.m. curfew ay magsisimula ngayong Biyernes, December 31 dahil kailangan ito para mapabagal ang Covid-19 surge na ngayon ay nagbabantang magpa-apaw sa nga likal na pagamutan. Hindi siya nagtakda ng petsa kung kailan tatapusin ang curfew.
Aniya . . . “It’s an extreme measure for an extreme situation due to a recent doubling of both hospitalizations and absenteeism of health care workers due to sickness.”
Sinumang lalabag sa curfew ay maaaring pagmultahin ng hanggang Can$6,000 o US$4,700.
Ipagbabawal din maging ang mga pribadong pagdiriwang, habang ang mga restaurant at iba pang venues ay inatasang magsara.
Nitong Huwebes, ay nagpatupad na rin ng restriksiyon ang Ontario sa indoor sports at concert venues sa 50 percent capacity o 1,000 katao lamang, at pinayagan na ang pang-apat na bakuna para sa matatandang residente sa care homes.
Samantala, kinansela naman ng British Columbia ang lahat ng New Year’s Eve festivities, at ang pinayagan lamang ay ang pagkain sa restaurant subali’t bawal ang sayawan at pakikihalubilo.
Una nang agad na nagpatupad ang Quebec ng curfew mula Enero hanggang Mayo, para mapabagal ang pagkalat ng Covid matapos madiskubre ang Delta variant.
Sa unang bahagi ng linggong ito, nagpasya ang Quebec na payagang patuloy na magtrabaho ang health care staff na may Covid pero walang sintomas, sa pangambang mag-collapse ang health care system kung libu-libong mga doktor at nurse ang pipiliting mag-absent dahil sa virus.
Ang Canada ay nag-ulat ng malaking bilang ng Covid sa mga nakalipas na araw, dumoble mula sa nakalipas na linggo ng hanggang higit 30,000 mga bagong impeksiyon nitong Huwebes, dulot ng Omicron variant. (AFP)