Quezon 4th District Rep. Angelina Tan ipinagharap ng reklamong libelo sa piskalya ng isang opisyal ng Malacañang
Sinampahan ng reklamong libelo sa piskalya si Quezon 4th District Rep. Angelina Tan
Ang reklamo ay inihain ni Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Undersecretary Jacinto Paras sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Nag-ugat ang reklamo sa privilege speech ni Tan sa Kamara kung saan inakusahan nito si Paras na nagnakaw ng cellphone mula sa isang kapwa kongresista noong ito pa ay miyembro ng Mababang Kapulungan.
Pinaratangan din ni Tan si Paras na nasa likod ng TikTok video na nagaakusa ng katiwalian sa congresswoman at sa mister nito na si DPWH Region 1 Regional Director Ronel Tan.
Ang nasabing video ay ibinatay naman sa nakasulat na balita sa website na pag-aari ni Paras na ukol sa sinasabing nakolektang insurance payment ng ospital ng mag-asawa mula sa PhilHealth anomaly.
Ayon kay Paras, walang katotohanan, iresponsable at paninira sa kanyang reputasyon at pagkatao ang mga paratang sa kanya ng kongresista.
Iginiit pa ng opisyal na hindi sakop ng parliamentary immunity ang mga pahayag ni Tan dahil ito ay ginawa para gumanti sa ulat na lumabas sa website ni Paras.
Sinabi pa ni Paras na hindi absolute ang parliamentary immunity ng mga kongresista lalo na kung ang privilege speech ay layuning sirain ang reputasyon ng isang tao alinsunod na rin sa jurisprudence ng Korte Suprema.
Moira Encina